Bank teller, ginahasa, pinatay, tinangkang sunugin

new-edison-reyes-tugis

Aminado naman si Yebra na nabigo silang makakalap ng footage na kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng krimen na magpapalakas pa sana sa kasong isasampa nila laban kay Oavenada.

Wala aniya silang nakuhang testigo na makapagsasabi na nakita ni Oavenada ang biktima na nakatayo sa harap ng gate ng pribadong compound hanggang sa madiskubre ang kanyang bangkay sa loob ng abandonadong tanggapan.

Sa kabila ng patuloy na pagtanggi ni Oa­venada na sangkot siya sa panghahalay, pagpatay at tangkang pagsunog sa bangkay ni Mabel, naniniwala si Gen. Albayalde na malakas ang ebidensiyang iprinisinta nila sa piskalya lalo na ang resulta ng forensic examination na isinagawa ng EPD Crime Laboratory.

Ayon kay Albayalde, isang siyentipikong ebidensiya ang forensic examination at ang resulta nito ay mas malakas pa sa anumang uri ng testimonya na makakalap ng kapulisan.

Higit aniyang pinaniniwalaan at kinakatigan ng hukuman ang mga pisikal na ebidensiyang nakakalap sa pinangyarihan ng krimen kaya’t kumpiyansa silang tatayo nang husto sa husgado ang mga nakalap na ebidensiya sa kabila ng patuloy na pagtanggi sa krimen ni Oavenada.

Sa kabila nito, inihayag ni Sr. Supt. Yebra­ na bagama’t nalutas na nila ang kaso ng karumal-dumal na pagpatay, panggagahasa at pagsunog sa bangkay ni Mabel Cama, hindi pa aniya sarado ang usapin dahil nakakalaya pa ang mga kasabwat ni Oavenada nang isagawa ang krimen.

Tiniyak din ng kapulisan na hindi nila titigilan ang pag-TUGIS sa nalalabi pang mga kasab­wat sa krimen hangga’t hindi sila napapa­nagot sa batas. Sa panig naman ni Rosario, Pasig barangay chairman Aquilino Dela Cruz, Jr., tiniyak niya ang lubos na pagtulong sa kapulisan upang mahanap pa ang nakakalaya pang mga kasabuwat sa krimen at ipagpapatuloy nila ang pagbabantay sa nasasakupang barangay upang maiwasang maulit pa ang ganitong uri ng karumal-dumal na krimen.

Sa naging pahayag naman ng ama ni Mabel na si Mang Reynaldo, hindi aniya nila mapapatawad ang ginawang kahayupan sa kanyang anak at umaasa siyang lahat ng mga may kagagawan ay mahuhuli at mapapanagot sa batas.
Muli, sa mga kriminal na nakatakbo at na­kaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.