Bank teller, ginahasa, pinatay tinangkang sunugin

new-edison-reyes-tugis

Hindi madaling tanggapin ng isang pamilyang may pagmamahal sa isa’t isa ang mawalan ng mahal sa buhay lalo na kung ang pagpanaw ay bunga ng isang uri ng karahasan.

Karaniwan ng na­giging sandalan ng isang pamilyang nawalan ng isa sa kanilang mahal sa buhay sanhi ng karahasan ay ang taimtim na panalangin sa Poong Maykapal na sana’y mabigyan ng katarungan ang pagpanaw ng isang miyembro ng kanilang pamilya.

Kadalasan naman ay ang pag-asang matutulungan sila ng mga awtoridad upang ma-TUGIS ang mga may kagagawan ng krimen lalo na kung nakatutok sa malalimang pagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga mahuhusay na im­bestigador sa pamamagitan na rin ng paggabay ng kanilang pinuno.

Bagama’t may mga kaso ng karahasan na hindi kaagad nabibigyan ng kalutasan dulot na rin ng kawalan ng mga testigo at matitibay na ebidensiya na magiging daan upang matunton ang mga may kagagawan, karamihan naman sa mga malalaking kasong hinahawakan ng kapulisan ay nalulutas at napapanagot sa batas ang mga may kagagawan.

Kailangan lamang ng tiyaga at talino ng mga magagaling na kapulisan na hahawak sa isang karumal-dumal na krimen upang maiharap sa timbangan ng katarungan ang mga taong pinaniniwalaang may malaking partisipasyon sa nangyaring krimen.

Bagama’t hindi lahat ng posibleng mga sangkot o may kagagawan sa nangyaring krimen ay kaagad na maihaharap sa hukuman upang papanagutin sa nagawang kasalanan, tiyak namang hindi umaatras sa laban ang kapulisan at mga imbestigador na humahawak sa kaso hangga’t hindi naisasadlak sa rehas na bakal ang lahat ng may kagagawan.

Sa kaso na lamang ng dalagang kawani ng isang bangko sa Makati City na bukod sa pinatay ay ginahasa pa at tinangkang sunugin sa loob ng isang abandonadong tanggapan sa Pasig City noong nakaraang taon, walang puknat ang pag-TUGIS ng pulisya, sa tulong na rin ng mga opisyal ng barangay laban sa pinaniniwalaang nalalabi pang mga sangkot sa krimen.

Ang bangkay ng 22-anyos na si Mable Talaga Cama ay natagpuan sa garahe ng isang towing company na dating ginagamit na impounding area ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pribadong compound sa Ortigas Avenue Extension dakong alas-12:20 nang makapananghali noong Nobyembre 12, 2017 sa Pasig City.