Bank teller sa Calamba, tiba-tiba sa kinubrang pensiyon ni lolo

Nahaharap ngayon sa mga kasong theft, qualified theft at for­gery ang isang teller ng Philippine National Bank (PNB) Calamba Poblacion Branch dahil sa umano’y iligal na pag-withdraw sa pensyon ng isang 71-anyos na SSS member na umaabot sa P42,000.

Kinilala ni Supt. Sancho Celedio, hepe ng Calamba police, ang suspek na si Sheila Varona, clerk ng new accounts division ng nasabing bangko.

Ayon kay Celedio, ang suspek ay inireklamo ng biktimang si Salvador Gayos Aromin, taga-Barangay Looc, Calamba, matapos i-withdraw ng teller ang kanyang pensyon sa tatlong pagkakataon.

Batay sa transaction records ng bangko, nangyari aniya ang ­unang pag-withdraw nito sa kanyang pera noong Agosto 31, sinundan noong Oktubre 3 at Oktubre 20 ng taong ito na may kabuuang halaga na P42,000.00.

Nang beripikahin ng bank manager na si Rey Unciano, natuklasan nila na ginawa ang mga withdrawal “over the counter” at nadiskubre rin dito na magkakaiba ang pirma sa tatlong transaksyon kumpara sa lagda ng biktima.

Nadiskubre lamang ang krimen nitong Disyembre 15 nang magtungo ang biktima sa bangko para magreklamo sa hindi niya pagtanggap sa kanyang pensyon.