Bantag magbibitbit ng sariling tao sa BuCor

Bantag magbibitbit ng sariling tao sa BuCor

Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang hirit ng bagong talagang director general ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Quitalig Bantag na magsama ng sarili niyang mga tauhan mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kailangang pagkasunduan muna nila ni DILG Secretary Eduardo Año ang hiling ni Bantag na magbitbit ng kanyang mga mapagkakatiwalaang tauhan para makatuwang niya sa trabaho sa New Bilibid Prison (NBP).

Noong Biyernes nanumpa na sa harap ni Guevarra si Bantag bilang bagong BuCor chief.

Sa kanyang panunumpa, iginiit ni Bantag ang hiling na makapagdala ng kanyang sariling mga tauhan mula sa BJMP para sa paglilinis ng mga problema sa NBP.

Si Bantag ay dating regional director ng BJMP sa Region 4-B o Mimaropa bago ito itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa BuCor. (Lorraine Gamo)