HINDI binigo ni Filipino Brave Combat world champion Stephen Loman ang sambayanan nang maitala ang impresibong TKO panalo laban kay Elias ‘The Smile’ Boudegzdame ng Bahrain para mapanatili ang bantamweight title sa Brave 22: Storm of Warriors Biyernes ng gabi sa MOA Arena.

Magkahalong pananabik, pa­ngamba at kalungkutan ang bumalot sa katauhan ng 27-anyos na Baguio City bet at miyembro ng pamosong Team Lakay sa unang pagkakataon na lumaban sa harap ng mga kababayan at pagkasawi ng malapit na tiyuhin.

“This is the first time I fought under the Brave promotion here in the Phi­lippines. Masaya at excited, and at the same time malungkot dahil namatay tiyuhin ko,” pahayag ni Loman sa post-fight interview.

Matikas na nakihamok ang karibal ng Bahrainian at ilang ulit na mun­ting nitong ma-take down ang Pinoy champion kung hindi sa matikas na depensa ni Loman sa stand-up duel.

Sa ikaapat na round, nagpalitan ng suntok ang parehong striker, ngunit nagawa pa ring malusutan ni Loman ang pagtatangka ng karibal na maipit siya sa sahig ng octagon.

Sa pagpalo ng warning bell hudyat para sa huling 10 segundo, nagsimulang dumagundong ang hiyawan na ‘Loman, Loman, Loman’ dahilan para makakuha ng higit na lakas ang Pinoy at matamaan ng left hook ang karibal.

Sa pagbagsak nito, kaagad siyang kinubabawan ni Loman at mabilis na itinigil ng referee ang laban sa opisyal na oras na 2:59.

Ang Brave 22 ay pinangangasiwaan ni His Highness Sheikh Khalid bin Hamad Al Khalifa ng Bahrain.