Hindi pinangangambahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang banta ni Senator Leila de Lima na pagsasampa laban sa kanya ng kasong perjury.

Sinabi ni Aguirre na karapatan ng senadora na maghain ng kaso laban sa sinuman.

Tiniyak naman ni Aguirre na lahat ng kanyang sasabihin o hakbang na gagawin ay katotoha­nan lamang.

Sinabi pa ni Aguirre na noong magharap sila sa Senado ni De Lima, tiniyak niya rito na lahat ng kanyang sasabihin ay katotohanan lamang at walang mangyayaring “fabrication of charges”.

Samantala, tumangging magbigay ng komento si Aguirre sa napaulat na nagbigay ng testimonya sa Nationa­l Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang staff ni De Lima dati kaugnay sa pagkakasangkot ng senadora sa illegal drug trade sa New Bilibid Pri­son (NBP).

Tumanggi rin si Aguir­re na kumpirmahin ang sinasabing pagdedeposito sa bangko ng mga dating staff ni De Lima na sina Jong Caranto at Edna Oboyes.

Sinabi ni Aguirre na premature pa ang pagpapalabas ng statement dahil nasa proseso pa lamang sila ng case build up laban kay De Lima.

Sa kabila nito, sinabi ni Aguirre na may anim na silang testigo, kasama rito ang dalawang nagbi­gay ng testimonya sa NBI at isa pa na mayroon na ring testimonya.

Iginiit ni Aguirre na pawang “credible” naman ang mga testigo at may personal na kaalaman sa pangyayari.