Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na kailangan ng ehekutibong departamento ng isang matibay na mekanismo upang mapanatiling updated ang Pangulo sa anumang bantang terorismo.
Ayon kay Lacson, tulad ng Estados Unidos na araw-araw ay nakatatanggap ng executive brief, dapat din aniya itong pagtibayin ng Pilipinas.
“There is need for a regular update to allow quick analysis, submitted on a regular basis. If not daily, at least weekly or monthly, to assist in the decision-making process,” sabi ni Lacson.
Aniya, makatutulong ang isang malakas na mekanismo upang maiwasan ang mga problemang kinaharap noon ng mga awtoridad.
Tinukoy dito ng senador ang insidenteng nangyari noong 2001 sa Dos Palmas kung saan tinangay ang 20 hostages sa nasabing resort sa Palawan.
Sa Senate Bill 1956 na isinumite ni Lacson, layon nitong pagtibayin ang Human Security Act of 2007 na may kalakip na probisyon hinggil sa mga foreign terrorist at karagdagang predicate crimes.