ZARAGOSA, Nueva Ecija — Kalaboso ang isang security guard ng paaralan sa Brgy. Carmen dito makaraang maituro na isa ito sa apat na salaring nagsagawa ng pagnanakaw sa mga computer sets noong Linggo ng gabi.
Sa ulat na isinumite kay P/Sr. Supt. Antonio Yarra, Nueva Ecija police director, kinilala ang security guard na si Efren Rodriguez Dela Cruz, 32, residente ng Brgy. Carmen dito.
Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi nang nakawin ng apat na kalalakihan ang may anim na computer sets na nagkakahalaga ng Php 300,000 sa Carmen National High School.
Sa pagsisiyasat ay nasaksihan ni Felipe Delantes Beajeder, 41, ang nakawan dahil siya ay nasa loob din ng paaralan bilang tagabantay sa mga construction materials sa ipinapagawang silid-aralan doon.
Agarang inaresto ng mga tauhan ng Zaragosa police si de la Cruz at nahaharap ito ngayon sa kasong qualified theft habang pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito sa pagnanakaw.