Bantayan ang China

Noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, nakatutok ang sambayanang Filipino sa problema ng bansa sa kakulungan ng supply ng kuryente na siyang dahilan kung bakit binigyan ng emergency power si FVR.

Pero habang nakatutok ang mga Filipino lalo na ang mga lider ng bansa sa isyung ito ng kuryente, may nakaligtaan tayo na mahalaga rin sa mga Filipino, ang mga isla na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa Spratlys.

Nawawala ang pokus natin sa isyung ito dahil sa mga domestic problem natin kaya nagising na lang ang mga Filipino kasabay ng pagresolba sa problema ng kuryente na nakuha na ng China ang mga mahahalagang isla natin sa loob ng ating teritoryo.

Ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang daming tinututukang problema. Nandyan ang problema sa iligal na droga at ang pagpatay sa mga drug personalities.

Nadiyan din ang problema sa malalang problema ng trapiko sa Metro Manila. Teka, hindi lang sa Metro Manila daw nararanasan ang problema sa trapik ha, sa Metro Cebu problema na rin yan kaya posibleng sakop ng emergency power na ibibigay kay PDigong ang Cebu.

Siyempre makakaagaw din ng eksena ang pagsisimula ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philppines (NDFP), Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Magkakaroon pa tayo ng Charter Change (ChaCha) na eeksena na sa susunod na taon o pagkatapos ipasa ang 2017 national budget hanggang Disyembre ng taong ito.

Kaya sangkaterbang isyu ang kukuha sa atensyon ng mga Filipino at hindi ko inaalis ang posibilidad na sasamantalahin uli ito ng China para mapalawak pa ang kanilang sasakupin teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Hindi ito malayong mangyari dahil nagawa na nila ito noong ang problema lang ng Pilipinas ay supply ng kuryente kaya dapat magbantay din ta­yong mga mamamayan para gisingin ang gobyerno sa kanilang makakaligtaan tungkulin, hindi lang sa mga mamamayan kundi sa bansa sa kabuuan.

***

Kapansin-pansin na maraming congressmen ang ayaw magsalita ukol sa mga nangyayari sa lipunan lalo na kung ang isyu ay may kinalaman kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 293 miyembro ng Kamara masuwerte kung may 20 ang magbibigay ng opinyon kapag tinanong mo sila ukol sa mga isyung panlipunan o sa mga nangyayari sa paligid, nangyayari sa ating bansa.

Kapag tinanong mo sila. Sasagutin ka ng pass muna, no comment baka magalit siya sa akin o kaya hindi na lang sila sasagot sa text question mo.

Halatang ayaw nila o umiiwas silang magkomento dahil baka masamain ng taga-Palasyo ang kanilang opinyon eh miyembro pa man din sila ng super majority sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

‘Yung mga maiingay noong panahon ni da­ting Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III eh tahimik na ngayon dahil kasama na sila sa admi­nistrasyon.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)