Ipinagmamalaki kong produkto ako ng state university dahil nagtapos ako sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) kaya natutuwa ako na magiging libre na ang tuition fees at miscellaneous fees sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa dahil nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Puwede nang mag-aral ang mga anak ng mga mahihirap na magulang nang libre sa may 112 SUCs sa buong bansa at hindi pa kasama sa bilang na ‘yan ang mga TESDA-accredited schools at mga LGUs run-schools.
Wala ng dahilan ang mga mahihirap na estudyante na kesyo mahirap sila kaya hindi sila makapag-aral dahil libre na ang mga bayarin sa mga eskuwelahang ito simula sa susunod na taon.
Kapag tinanong mo kasi ang mga bata kung bakit hindi sila nag-aral, sasabihin sa iyo, walang pera sina nanay at tatay. Hindi kami kayang paaralin ng mga magulang namin.
Kapag ayaw pa ring mag-aral kahit libre na ang tuition fee dahil ikakatuwiran na walang panggastos sa pamasahe, allowances at iba pang gastusin, hindi na ‘yan katanggap-tanggap. Katamaran na ‘yan.
Mahalaga ang edukasyon sa isang tao dahil ito ang yaman na kahit kailan ay hindi mawawala sa iyo at ito rin ang ginagamit mong sandata sa pakikipagsapalaran sa buhay.
Hindi ko matandaan kung sino ang nagsabi nito na “Mahal ang edukasyon pero mas mahal ang maging mangmang” kaya dapat samantalahin ng mga mahihirap na kabataan ang pagkakataong ito para makatapos sila kahit papaano.
Pero dapat bantayan ang pagbuo sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas na ito dahil kahit gaano kaganda ang isang batas, madalas nababago dahil sa IRR na binuo ng mga ahensya ng gobyerno.
Kailangang malinaw sa IRR na ang malilibre lang ng matrikula ay ‘yung mga mahihirap na estudyante. Na tanging mga anak ng mahihirap o ‘yung wala talagang kakayahang magpaaral ang makinabang sa batas na ito.
Marami kasi sa mga estudyante sa mga SUCs ang may kaya sa buhay at working ang kanilang mga magulang at may sapat na kita para sila ay mapaaral pero nasa SUC.
May mga estudyanteng may kaya sa buhay ang lumipat sa state university dahil nagkaproblema sa dating pinapasukang private schools o kickout sa pinanggalingang eskuwelahan.
‘Yung iba naman napilitan lang na mag-aral sa state university dahil hindi na kaya ng magulang na sabay-sabay na magpaaral sa mga private school na ang tuition fee ay naglalaro sa P30,000 hanggang P60,000 kada sem, pero sa totoo lang can-afford pa rin sila magbayad ng P12 kada unit.
Dapat ding masiguro na walang palakasan sa enrollment dahil hindi natin masasabi na baka malakas kay dean o kaya kay University President o kaya sa iba pang school officials ang magulang ng mga bata eh i-e-enroll na kahit may kaya sa buhay ang mga estudyante.
Nagawa na ‘yan sa implementasyon ng Conditional Cash Transfer (CCT) program kung saan kahit hindi nabibilang sa poorest of the poor ay nakakatanggap ng buwanang tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya hindi malayong mangyari din ‘yan sa free education law sa mga SUCs. (dpa_btaguinod@yahoo.com)