Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado­ ang panukala sa one-year postponement ng barangay­ at Sangguniang ­Kabataan (SK) elections na magreresulta ng extension ng kanilang termino.

Sa botong 20-2, ­inaprubahan ng Senad­o ang Senate Bill 1112, upang mailipat sa ikaapat na Lunes ng Oktubre 2017 ang kambal na hala­lan na gagawin sana ngayong Oktubre 31.

Sa paliwanag ni ­Senate Minority Leader Ralph Recto, isa sa dalawang kontra sa panukala, isa sa inaaya­wan niya sa panukala­ ay dahil sa mapa­palawig ang termino­ ng mga opisyal ng barangay.

Depensa naman ni Angara,­ chairman ng Senate­ committee on local government, kahit mapapalawig ng isang taon ang t­ermino ng barangay officials, puwede pa rin silang tanggalin o suspendihin sa puwesto.

Sa inaprubahang bersyon ng Senado, matapos ang barangay at SK elections sa October 2017, ang susunod na eleksyon ng barangay at SK elections ay gagawin na sa ikalawang Lunes ng Mayo 2020 at kada ikatlong taon.

Nangako na ang ­Kamara na tanggapin ang bersyon ng Senado­ upang hindi na ito dumaan sa ­bicameral conference committee bagkus ay sa mesa na ni Pangulong Rodrigo­ Duterte pirmahan­ upang maging ganap na batas.

Tiwala naman si House Speaker Pantaleon­ Alvarez na dahil walang pagkakaiba sa bersyon ng panukala sa Senado­ at Kamara ay agad itong maisusumite para maaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na makikinabang ang mga barangay officials sa ipinasang batas ng Kongreso.

Gayunpaman, sinab­i ng mambabatas na hindi dapat maging kampante ang mga tiwaling barangay officials dahil kapag mayroong ebidensya laban sa mga ito ay hahabulin pa rin ang mga ito.