Barangay captain itinumba sa Batangas

BATANGAS — Dalawang araw makaraang tambangan at mapatay ang isang barangay captain sa Lipa City, isa na namang chairman ng barangay ang napatay sa bayan ng Sto. Tomas noong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Chairman Arthur Marasigan Sr., residente at chairman ng Barangay Santiago at kasalukuyang Pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Sto. Tomas, Batangas.

Ayon sa report, papalabas ng garahe si Marasigan sakay ng kanyang kotse nang lapitan ng hindi kilalang suspek at barilin ito bandang alas-nuwebe ng umaga.

Naisugod pa sa St. Frances Cabrini Hospital si Marasigan pero namatay din ito habang ginagamot sa emergency room dahil sa mga tinamong mga tama ng bala.

Batay sa mga saksi, naglakad lang papalayo ang gunman na animo’y walang nangyaring krimen.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo at ang nasa likod ng krimen.

Matatandaang noong Lunes, napatay din si chairman Leonardo Pureza ng Barangay Pag-Olingin sa Lipa City matapos tambangan ng riding in tandem

Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa pagbibigay ng mga pangalan ni Pureza sa pulisya ang mga hinihinalang drug users at pushers kaya ito ginantihan.