Patay ang isang kapitan ng barangay nang malapitang pagbabarilin ng dalawang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group sa Mabini St., Barangay Paraiso, Tarlac City noong linggo nang hapon.

Ang biktima ay si Allan Mendoza Sebastian, 52-anyos, may asawa, nakatira sa nasabing lugar. Agad itong namatay dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan.
Naganap ang pamamaril dakong alas-3:45 nang hapon habang nasa construction site. Kausap umano ng biktima ang backhoe operator na si Rommel Estocapio, 35, nang lapitan ng mga salarin at pagbabarilin.

Sinabi ni B/Gen. Joel Napoleon Coronel, director ng Police Regional Office 3, na apat na hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang nagsagawa ng planong paglikida. Dalawa dito ay lookout habang pinagbabaril ng dalawa ang biktima.

Ayon sa pulisya, bukod sa pagiging kapitan ng nasabing lugar, ang biktima ay isang private contractor.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 na pistola kabilang ang isang deformed slug.

Ayon kay Coronel, inaalam pa sa kasalukuyan ng Tarlac police ang motibo sa pamamaslang pati ang pagkakilanlan ng mga salarin.(Rudy Abular)