Isang barangay chairman, tatlo nitong mga kagawad at tatlong barangay tanod ang pinagdadampot matapos ang mga itong maaktuhang nag-iinuman sa harap mismo ng barangay hall sa Barangay Dulag, Lingayen, Pangasinan noong Lunes, ayon sa Lingayen Police Station (LPS).

Kinilala ni LPS chief-of-police P/Maj. Edgar Serguiña ang mga suspek na sina Benjie Mararac, barangay chairman ng nasabing barangay, kagawad nitong sina Jarwin Camilang; Arthur Rosario at Eigie Mararac kasama ang barangay tanod na sina Jaime Ferrer, Rubin Mangiralas at isang nagngangalang “Harold”, pare-parehong taga-nasabing barangay.

Sa imbestigasyon, ayon kay Serguiña, ang kapitan umano ang nag-ayang uminom sa harap ng kanilang barangay hall. Isang concerned citizen naman ang tumawag sa LPS at sinabing nag-iinuman ang mga suspek sa nasabing barangay hall.

Ayon sa LPS, sa pahayag na rin ng mga residente ng Barangay Dulag, sa gitna ng kanilang walwalan ay nagpaputok pa umano ng baril ang tserman na binunot niya sa kanyang baywang.

“Nagkaroon din po ng konting komosyon, dahil ayaw nilang magpahuli dahil naka duty daw sila as barangay officials,” ani Serguiña.

Samantala, ayon kay Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil, hindi niya palalampasin ang ginawa ng mga suspek dahil sila mismo bilang mga opisyal ng barangay ay lumabag sa batas.

“Tayo dapat ang nangunguna sa pagpapatupad ng batas huwag po sana tayong sumuway upang ang ating taumbayan at respetuhin at sumunod sa ating patakaran,” ani Bataoil.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa LPS at patong-patong na kaso ang isinampa laban sa kanila. (Allan Bergonia)