Barangay chairman inambus sa harap ng bangko

Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang kasama ng biktima ang kanyang anak sa Pasay City nitong Martes nang gabi.

Kritikal ngayon sa San Juan De Dios Hospital si Reynaldo Flores, 57-anyos, may asawa, Brgy. Chairman ng Brgy. 10 Zone 4 ng naturang lungsod makaraang magtamo ng isang bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa kaliwang tenga na tumagos sa kanyang bibig.

Sa isinumiteng report ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-siyete nang gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng isang bangko sa may Sen. Gil Puyat Ave., Brgy. 157, Pasay City.

Sa imbestigasyon, may hinihintay ang biktima kasama ang kanyang anak na si Carlo, nasa hustong gulang, nang biglang huminto sa kanilang tapat ang isang motorsiklo na magkaangkas ang dalawang lalaking kapwa naka-full face helmet at walang salitang dalawan­g beses na pinaputukan ang biktima.

Hindi naman ginalaw ang kanyang anak.

Nang duguang bumulagta at sa pag-aakala ng mga suspek na napatay nila ang biktima ay mabilis nang tumakas.

Agad namang humingi ng saklolo si Carlo at agad naisugod sa nasabing pagamutan ang ama.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang motibo sa pamamaril. Inaalam din kung may kaugnayan sa kanyang tungkulin ang pamamaslang. (Armida Rico)