Ipinag-utos kahapon ni Police Regional Office (PRO) 6 Regional Director Police Brig. General Rene Pamuspusan ang pagsasampa ng kaso sa isang barangay chairman ng Isabela, Negros Occidental at opisyal ng Municipal Social Welfare Development (MSWD) dahil umano sa iregularidad nang pagbibigay ng Social Amelioration Program (SAP).

Sinampahan na kahapon sa Provincial Prosecutors Office sa Bacolod City si Barangay 8, Isabela, Negros Occidental Chairman Maria Luz Leal, ng mga kasong Anti Graft and Corrupt Practices at Falsification of Public Documents by a Public Officer.

Samantala kinasuhan din si Isabela MSWD Officer Mrs. Mae Fajardo ng kasong Falsification of Public Documents matapos na umano’y ipeke ang opisyal na listahan ng mga recipients ng SAP.

Napag-alaman na nag-ugat ang pag-aresto sa barangay chairman at opisyal ng MSWD matapos ang mga sumbong sa pulisya ng mga residente hinggil sa anomalyang ginagawa umano ng mga suspek.

Base sa mga sumbong mula sa mga concerned citizen, sinama umano ni Leal ang kanyang apo na 13-anyos pa lang at pamangkin na hindi naman kuwalipikado na mabigyan ng SAP.
Bukod dito ay may pinipili din umanong bigyan ng ayuda ang kapitan sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Pamuspusan, sa isinagawang imbestigasyon ay napatunayang may mga nagawang iregularidad ang kapitan ng barangay at opisyal ng MSWD dahilan upang sampahan ng kaso ang mga ito.

Sa isang press conference, ipinag-utos ni Pamuspusan sa lahat ng provincial at city director na nasasakupan na maglagay ng mga complaint center para sa mga sumbong hinggil sa iregularidad ng pagbibigay ng SAP upang agad itong mabigyan ng kaukulang aksyon.
“In this time of pandemic, corruption has no place in Western Visayas”, saad ng opisyal. (Edwin Balasa)