Tinadtad ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin ang kapitan ng barangay ng San Isidro, San Nicolas sa Tayug, Pangasinan,­ kung saan tinitignang motibo ang onsehan umano sa iligal na droga.

Kinilala ni P/CInsp. Marcos Anod, hepe ng Tayug Police Station ang biktima na si Renel Carpio, nasa hustong gulang at Punong Barangay ng nabanggit na lugar.

Kalalabas lamang umano sa kubo sa bahagi ng barangay Libertad ng bayang nabanggit ang biktima nang pagbabarilin ng salarin na agad tumakas nang matiyak na hindi na mabubuhay ang biktima.

Na-recover sa pinangyarihan ng insidente ang mga slug ng hindi pa malamang kalibre ng baril at isang sachet ng hinihinalang shabu, gayundin ang ilan pang drug paraphernalia.

May search warrant na umano ang biktima na bukod sa pagkakasama sa watchlist ay kabilang umano ito sa High Value target sa bayan ng San Nicolas.

Hindi rin naman isinasantabi ng pulisya ang anggulong love triangle o may personal na nakaa­litan ang biktima.