Barangay checkpoint babantayan ng PNP

Isasailalim na sa superbisyon ng Philippine National Police (PNP) ang mga barangay checkpoint para masiguro na sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan hinggil sa pagpapatupad ng enhaced community quarantine,

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary at spokesperson Markk Perete, bukod sa ipagbabawak ang paglalagay ng checkpoint kung walang kasamang pulis na magbabantay, kailangan ding isailalim ng PNP sa oryentasyon ang mga barangay official at officer hinggil sa mga panuntunan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease.

Sabi ni Perete, nais ng gobyerno na sumunod ang mga tao sa mga panuntunan hinggil sa community quarantine para mapigilan ang lalo pang paglaganap ng coronavirus disease 219 o COVID-19. Gayunman, nais din ng pamahalaan siguruhin na walang magiging sagabal sa galaw ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga tao.

Nagpapahirap aniya dito ang pag-iisyu ng magkakaibang panuntunan sa checkpoint ng mga barangay o local government unit lalo na doon sa mga hindi naman pinapatupad ng task force,

Samantala, nabatid sa isang memorandum na may petsang Marso 23 para sa mga regional director at provincial regional office, inatasan ng PNP Directorate for Operations lahat ng unit commander at mga hepe ng pulisya sa municipal at barangay level na tiyaking nasa ilalim ng kanilang superbisyon at magiging maayos ang pagpapatupad ng mga panuntunan ng pamahalaang nasyunal hinggil sa enhanced community quarantine.(PNA)