Magulo na naman ang nakatakdang barangay election dahil sa biglang pagkambiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng idaraos na halalan sa Oktubre 31.

Noong una ay hindi sang-ayon si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil sa paniniwalang maraming opisyal ng barangay na nakapuwesto ang sangkot sa operasyon ng iligal na droga kaya dapat lamang umanong magkaroon na ng halalan upang mapalitan ang mga ito.

Pero ang nasabing paniniwala ay nagbago kasabay ng malakas na panawagan sa Kongreso na ipagpaliban ang napipintong halalang pambarangay.

Isang dahilan na nakapagpabago ng pananaw ng Pangulo na ipagpaliban ang halalan ay ang pangamba nitong magamit ang drug money sa darating na eleksyon dahil sa maigting na kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga at hindi malayong paganahin ng drug lords ang kanilang impluwensiya o pera para hindi matinag ang kanilang operasyon.

Sa ganang amin, kailangan nang maglabas ng pinal na desisyon sa usaping ito.

Unang-una ay dahil aligaga na ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda ng mga kakailanganin para sa idaraos na eleksyon.

Kaya sana kung ano ang pinal na desisyon sa usaping ito ay ideklara na upang maging klaro sa lahat, sa Comelec at sa mga makikibahagi sa gaganaping eleksyon.

Sang-ayon tayo sa anumang rason sa likod ng pagpapaliban ng barangay election­ lalo na sa posibilidad na pagbuhos ng drug money sa mga kandidatong sasabak sa eleksyon sa hangaring maproteksyunan ang kanilang iligal na gawain pero sana ideklara na agad-agad ang plano.

Ianunsyo na agad ang pagpapaliban para maipagpatuloy na ng lahat ng sangkot sa gaganaping halalan ang kanilang mga ginagawa at isantabi na ang mga gawaing may kinalaman sa halalang pambarangay at makatuon na sa iba pang mahahalaga nilang obligasyon sa bayan.