Barangay Ginebra ‘nagsasarili’ muna

KANYA-KANYA munang pakondisyon ang Ginebra players, sinusunod ang panuntunan sa social distancing dahil sa coronavirus pandemic.

Matapos makansela ang Philippine Cup noong March 11, isinunod na isinara ang gyms para sa sabay-sabay at maramihang workout.

Hindi pa sigurado kung makakabalik pa ang season, tuloy din ang pagpapakondisyon ng players. Hindi puwedeng kalawangin.

“Our main thrust is to keep everybody healthy and to make sure they continue to follow guidelines, do the social distancing which is part of their responsibility,” paliwanag ni coach Tim Cone.

Walang palya raw ang padala ng strength and conditioning coaches ng fitness programs na susundin ng players para makapag-workout sa kani-kanilang bahay.

“We’re trying to do things that they can do at home, under the guidelines of our trainors, sending programs to the players so that they can find ways to workout,” dagdag ng coach.

Extended hanggang May 15 ang general community quarantine sa NCR, sakaling kontrolado na ang pandemic pagkatapos ng araw na ‘yun ay hindi pa rin sigurado kung itutuloy na ang nakanselang season ng PBA. (VE)