Agaw-buhay sa pagamutan ang isang barangay kagawad nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Kinilala ang biktimang si Cesar Manila, 55, Barangay kagawad ng Barangay 105, Central Park at naninirahan sa Inocencio St. nang nasabing lungsod na nasa kritikal na kondisyon, sanhi ng dalawang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa dibdib nito.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Dennis Desalisa ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, alas-12:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Inocencio St. na malapit sa bahay ng biktima.
Ayon sa ilang testigo, nakatayo umano si Manila hindi kalayuan sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na walang plaka na lulan ang dalawang lalaki na nakasuot ng helmet at itim na jacket at sabay na pinagbabaril ang walang kamalay-malay na biktima.
Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas ang tandem palayo sa lugar.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima na kung saan patuloy pa rin nilalapatan ng lunas.