Bumulagta matapos pagbabarilin ng dalawang lalaki ang isang kagawad ng barangay sa Malabon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Malabon Police chief Sr. Supt. Jessie Tamayao ang biktima na si Rodrigo Tambo alyas ‘Tacio,’ 40-anyos, kagawad ng Barangay Catmon at residente ng Dulong Hernandez, Nagkakaisang Damdamin Home­owners Association Inc., sa nasabing barangay.

Pinagbabaril ang biktima habang kausap umano ang kanilang tanod na si Lawrence Margalio dakong alas-8:32 ng umaga. Nakatakbo naman umano si Margalio kaya hindi ito tinamaan ng bala.

Ayon naman kay Ma­labon Public Information Office (PIO) head Bong Padua, limang taon na umanong aktibong lider ng Arya Progresibo ang biktima na sumusuporta sa pamamahala ng kasalukuyang alkalde ng kanilang lungsod.
Nanguna rin umano ito sa mga nanalong kagawad noong nakaraang barangay election.

Kinondena naman ni Mayor Antolin Oreta ang pagpatay sa kanyang political leader at inatasan ang lokal na pulisya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.