Nakabitin hanggang ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa desisyon kung tuloy ba o hindi ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na buwan ng Oktubre.

Ayon mismo kay Comelec Chairman Andres Bautista nangangapa pa rin ang poll body kung ano ang magiging desisyon ng Kamara sa usapin ng eleksyon.

Pero anuman ang magiging pasya ng Kongreso ay igagalang ng poll body dahil handa naman ito kung anuman ang kahahantungan ng nakabitin ng halalang pam-barangay at SK.

Mahirap ang lagay ng poll body sa usaping ito kaya sana ay maintindihan ito ng Kongreso.

Kahit aminin ng Comelec na handa sila sa kung anuman ang maging pasya ng mga mambabatas hindi pa rin ito tama. Hindi ito dapat. Ang dapat ay magdesisyon na sa lalong madaling panahon.

Sakaling magdesisyon kasi ang Kongreso na ituloy ang eleksyon baka naman maipit ang Comelec sa preparasyon at magkaroon pa ng aberya.

Kaya ang sa amin, dapat bigyang prayoridad ng Kongreso ang pagdedesisyon sa barangay at SK election dahil malaki ang papel na ginagampanan ng barangay sa bawat komunidad.

Hindi natin nilalahat pero maraming nakaupong mga opis­yal ng barangay at kanilang mga tauhan ang sangkot sa iregularidad kaya kung magpapatuloy pa rin sila sa pamumuno ay delikado ang kanilang mga komunidad bagay na sinisilip na dahilan kaya dapat ituloy ang halalan.

Hindi rin kaya dahil sa pinangangalagaang interes ng mga kakampi sa barangay level ang rason sa urung-sulong na pagdedesisyon ng Kongreso?