Inihain na ng isang kongresista sa Bulacan ang House Bill 5510 na naglalayog ipagpaliban sa May 28, 2018 ang barangay at SK elections na isasagawa sana ngayong buwan ng Oktubre dahil sa magandang tinatakbo ng anti-illegal drugs at anti-criminality program ng kasalukuyang administrasyon.
Ipinanukala ni Cong. Jonathan Sy-Alvarado (1st District, Bulacan) na marapat lamang suportahan ang kampanya laban sa droga at kriminalidad ng Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, base sa kanyang pag-aaral, mahalaga ang papel ng mga opisyales ng barangay at mga kabataan sa tagumpay ng kampanyang ito kaya mas mainam na bahagyang palawigin ang kanilang termino.
Maiiwasan din ang partisan politics sa barangay level dahil mga residente nito ang boboto sa kanilang mga opisyales at dagdag pa dito, ang pagboto ay mahalagang sangkap ng demokrasya dahil mga tao ang nagbibigay kapangyarihan sa kanilang pinuno.
Kapag naisabatas ang HB 5510, ang termino ng mga opisyales ng barangay at SK ay magiging limang taon subalit mananatili ang limitasyon na hanggang tatlong sunod na termino lamang puwede manungkulan sa kaparehong posisyon o labing-limang taon.
Sa maikling panahon lamang ay umani ng suporta ang HB 5510 partikular mula sa mga tao sa barangay na nagsasabi na mahalaga magkaroon ng halalan sa barangay at SK para marinig ang tinig ng mamamayan sa pamamagitan ng kanilang boto.