Barangay, SK elections sa 2020 posibleng harangin — Comelec

Hindi na umano sorpresa para sa Commission on Elections (Comelec) kung may magsusulong ng panukalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na gaganapin sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, inaasa­han na nilang may magtatangkang harangin ang eleksyon tulad ng mga nakalipas na panahon.

Aminado si Jimenez na target ng ilang sektor ang kanselasyon ng barangay at SK elections dahil sa iba’t ibang dahilan.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Commissioner Luie Tito Guia na tuloy-tuloy pa rin ang preparasyon ng Comelec para sa Barangay at SK elections sa 2020.
Bahagi aniya rito ang pagpapatuloy ng voters registration sa Agosto at Setyembre.

Sinabi pa ni Guia na plano ng Comelec na magdaos ng planning conference para sa Barangay at SK elections upang mailatag ang mga iskedyul at iba pang preparasyon para sa hala­lan. (Mia Billones)