Binistay ng bala ang isang barangay treasurer kamakalawa ng gabi sa kanto ng Maria Luisa at Luzon, Brgy. 567, Sampaloc, Maynila.

Ayon sa imbestigas­yon ni PO3 Aldeen Legaspi ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nakilala ang biktima na si Jose ‘Pepe’ Macaranas, treasurer, at dating kagawad ng naturang barangay.

Naganap umano ang insidente dakong alas-8:10 ng gabi sa nabanggit na lugar habang nakiki­pagkuwentuhan siya sa kanilang barangay secre­tary na si Roland Abol.

Base sa kuha ng CCTV sa lugar, nilapitan umano ang biktima ng dalawang suspek na riding-in-tandem at saka pinagbabaril.

Mabilis namang tuma­kas ang dalawang suspek matapos ang pamamaril.

Isinugod naman ang biktima sa United Doctors Medical Center (UDMC) pero binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas dahil sa tama ng bala sa likod at batok.

Ayon naman sa pamilya ng biktima, walang silang alam na kaaway ni Macaranas at hindi rin ito sangkot sa mga iligal na gawain.

Patuloy namang ina­alam ng pulisya ang mo­tibo ng krimen at pagka­kilanlan ng suspek.