Barangay volunteer tiklo sa pagtutulak ng shabu

Swak sa selda ang isang barangay volunteer sa Quiapo, Maynila nang mahuli na ginagamit ang kanyang identification card (ID) bilang COVID-19 frontliner para makalagpas sa mga checkpoint at makapagbenta ng shabu.

Sa ulat ng Sampaloc, Maynila Police, kinilala ang suspek na si Hajib Cayandatu, 24, volunteer ng Brgy. 648.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek sa Vicente Cruz St., Brgy. 445, Zone 44 sa Sampaloc, alas-7:45 Martes ng gabi.

Agad umanong hinuli si Cayandatu nang magbenta ng shabu sa undercover police.

Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa pagtutulak ng suspek sa Sampaloc, kahit hindi ito residente sa lugar.

Nakuha kay Cayandatu ang 45 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P272,000 at marked money. Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.