Ngayon ang dating ni Ivan Dorschner sa ‘Pinas pagkatapos ng mahaba niyang bakasyon sa Los Angeles, California.

Tagaroon ang pamilya ni Ivan, kaya pagkatapos ng Meant To Be series nila sa GMA 7 ay nagbakasyon muna siya roon.

In-enjoy ni Ivan ang bonding niya at ng kanyang pamilya, lalo na ng kapatid niyang si Ben.

Pangarap ng fans ni Ivan na makatambal niya uli si Barbie Forteza.

Naniniwala ang fans ng loveteam ng VanBie na mas bagay ang aktor sa young actress.

Mukhang hindi affected ang VanBie fans sa katotohanang ang karelasyon ni Barbie ay si Jak Roberto.

Karamihan sa fans ng loveteam nila ay kinikilig pa rin sa idea na magkaroon uli sila ng show together.

***

Vhong Navarro at Lovie Poe
Vhong Navarro at Lovie Poe

BOX-OFFICE hit ang Woke Up Like This nina Lovi Poe at Vhong Navarro. Naka-P35M na ang pelikula noong weekend.

Wala raw padding ang P35M ng Woke Up Like This at masayang-masaya na roon ang mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde ng Regal Entertainment.

Habang nagtatagal, mas lumalakas sa takilya ang pelikula nina Lovi at Vhong.

Naka-P5M sila noong opening day at dahil masipag ang mga artistang kasama sa pelikula sa pagpo-promote sa kanilang social media accounts ng Woke Up Like This, mas dinumog ‘yon noong weekend.

Nagpaplano raw uli ng bagong pelikula sina Mother Lily at Roselle para sa tambalan nina Lovi at Vhong.

Magkaiba ng TV network sina Lovi at Vhong, kaya hanggang pelikula lang muna sila puwedeng magtambal.

***

Nasa Amerika na si Martin Nievera at ine-enjoy ang bonding time nila ng bunsong si Santino.

Kapag nasa Amerika, kung saan-saan ipinapa­syal ni Martin ang anak.

Madalas na nagsu-show sa Amerika si Martin para mas madalas niyang makasama si Santino.

Sa Sabado, may concert si Martin sa M Resort & Casino sa Las Vegas.

Sa Linggo ang alis niya pa-Hawaii dahil sa Lunes ang show niya sa Blue Note.

“Homecoming” show ang tawag ni Martin sa show niya sa Hawaii dahil ang tagal niyang tumira roon noong bata pa siya.

***

Kontrabida si Vaness del Moral kay Kris Bernal sa Impostora.

Mas napapansin nga­yon si Vaness dahil sa katarayan ng role niya sa afternoon series ng GMA 7.

Dahil doon, hindi na pinakawalan pa ng Siyete si Vaness at itinali na naman siya sa isang exclusive contract na pinirmahan niya kamakailan.

Sabi ni Vaness, sa Starstruck ng Siyete siya nagsimula at hindi niya ma-imagine ang sarili na aalis sa nasabing TV network.

In fairness, hindi nawawalan ng trabaho sa Kapuso network si Vaness.