NAKAPULANG ‘binukot’ costume si Nora Aunor nang dumalo sa gala premiere ng Cinemalaya entry niyang Tuos sa CCP Main Theater.
Nainitan ang Superstar kaya nagpalit ito ng itim na T-shirt nang umakyat ang cast and crew sa stage bago nagsimula ang screening.
Mahaba ang kulay puting buhok ni Ate Guy sa movie, na ang dating sa amin ay para siyang si Khaleesi (ng Game of Thrones) minus the braids dahil straight lugay lang ang long hair niya.
In fairness ay kakaiba ang ipinakita rito ni Nora bilang isang binukot (o kept maiden) na si Pina-ilog, ang tila buhay na anito ng isang katutubong tribo sa liblib na kabundukan ng Antique.
Kahit walang masyadong dayalog at nuances lang ay ramdam na ramdam ang screen presence ni Ate Guy.
Bagay na bagay sa kanya ang maging binukot dahil maliit lang siya, kasya sa basket at madaling bitbitin.
Si Barbie Forteza ang gumaganap na apo ni Pina-ilog na si Duwokan, na ginu-groom para maging kapalit ng kanyang lola sa pagiging binukot.

Bata at mapusok, hindi naniniwala si Duwokan sa mga sinaunang tradisyon at matatandang kinagawian ng kanilang tribo.
Ayaw niyang isuko ang kanyang personal na kaligayahan. Mas gusto niyang maranasan ang magmahal at sundin ang kanyang puso.
Totoo ang tsismis na malaki ang role ni Barbie sa Tuos. Hindi siya supporting dito kundi lead.
Hindi lang pantay ang role nila kundi mas lamang pa siya kay Ate Guy.
At sa husay ni Barbie ay lumutang ang performance niya, lalo pa’t mas challenging ang karakter niya.
Magaling ang pumipili ng projects para kay Barbie. After niyang manalong Cinemalaya Best Supporting Actress sa Mariquina nu’ng 2014, this year ay may chance siyang mag-Best Actress para sa Tuos.
Cultural experience ang Tuos na isa sa pinakamagandang entries na napanood namin sa 2016 Cinemalaya filmfest.
Nakakita kami ng kakaibang mundo sa totoong kuwentong ito ng ating mga katutubo, na unang ginawa bilang TV documentary ng direktor nitong si Roderick Cabrido.
Ang lengguwaheng ginamit dito ay sinauna, kaya para kang nanonood ng foreign language film.
Kinarir pati ‘yung animation, na ang sabi ng direktor ay napakahirap gawin.
Sa Antique ang tahanan ng tunay na binukot, pero sa kabundukan ng Iloilo sila nag-shoot.
May mga pumupuna sa drone shots ng direktor, na hindi raw kailangan, pero gustung-gusto namin ang drone shots na ‘yon sa virgin forest kung saan nakatira ang tribo.
Ang ganda ng mga puno at talon sa kagubatan nito, na alam mong hindi pa nalalapastangan ng turismo.
Magaling talaga si Direk Derick Cabrido, na nagdirehe ng paborito rin namin na Children’s Show nu’ng Cinemalaya 2014.
galing na artista 2 eto si barbie bilang kris,patok na patok