Barbie sinibak sa pelikula ng kontrobersiyal na actress-TV host

Barbie Forteza

AYAW lang kumpirmahin ng aming source, pero mukhang si Barbie Forteza ang tinutukoy sa blind item na nawalan umano ng isang magandang project na kung saan makakasama sana niya sa isang pelikula ang kilala at kontrobersiyal na actress/ host.

Siya raw sana ang gustong makasama dahil magaling nga naman at promising.

Pero ang sabi, nag-demand daw ang kausap ng producer na dapat sa GMA 7 umano ang TV rights kung talagang kukunin nila ang young actress.

Hindi raw mai-commit ng producer sa ngayon dahil hindi pa naman daw nila napapag-usapan pa. Ang gusto lang nila ay matuloy na sana ang project.

Kaya lang iyun daw ang hinihingi para sa GMA 7 kaya hindi na natuloy si Barbie.

Isang magaling ding young actress na galing naman daw sa katapat na TV network ang kinuhang kapalit.
Sa pagkakaalam namin, nagkasundo naman daw agad at wala namang hinihinging TV rights.

Kung si Barbie nga itong sinasabi nila, nakakapanghinayang naman dahil magandang project sana talaga ito at plus points sa kanyang career.

Totoo bang ito rin daw ang nag-demand noon kay Thea Tolentino nang kinuha ito ng Regal para sa isang pelikula?

Si Thea lang naman daw sana ang gusto nila para sa isang movie, pero hindi nila kino-consider umano na ibigay sa GMA 7 ang TV rights. Kaya hindi nagkasundo, nawalan tuloy ng magandang film project si Thea.
Sayang naman!

Reunion movie nina Maricel, Dina, Snooky overage

HININGAN namin ng reaksyon sina Snooky Serna at Dina Bonnevie sa balak ni direk Joel Lamangan na pagsamahin silang mga Underage girls sa isang pelikula.

Sabi kasi ni Direk Joel, meron na raw siyang magandang kuwento para sa reunion movie nina Dina, Snooky at Maricel Soriano.

Hindi na raw Underage ang title kundi, Overage na. Tipong mga cougar daw ang role nila na may pagka-comedy.

Type ni Snooky ang ideyang iyun, at okay din naman si Dina.

“Hindi na kami underage, but I have accepted it.

“I embrace my age, I am 51 and turning 52 this year. I’ve never censored my age,” sabi ni Snooky nang makatsikahan namin sa premiere night ng The Significant Other .

Saad naman ni Dina: “Ako 56 na ako, overage na rin? Cougar na ba tayo?

Maganda ‘yun na tumanda na kami, pero eto pa rin. Trying hard to…hindi naman. Si­yempre, we have to maintain, ‘di ba?”

Okay daw na material iyun kung sakaling matuloy at magawang pagsamahin uli silang tatlo.