Umiskor si JJ Barea ng 20 points at nakipag-tag-team kay Wesley Matthews sa pagbaon ng back-to-back 3s para kontrolin ang tempo ng fourth quarter tungo sa 113-104 panalo ng Dallas Mavericks kontra dayong Boston Celtics.
“I was mad that I missed the one before that one, went in and out for me,” ani Barea pagkatapos ng sixth straight home victory ng Mavs.
Nagsumite rin ng 20 points si Harrison Barnes, tumapos ng 15 points si rookie Luka Doncic para sa Dallas. May tig-8 assists pa sina Barea at Doncic.
Naglista ng 21 points si Jayson Tatum sa Celtics, may tig-19 sina Kyrie Irving at Marcus Smart.
Wala sa Boston si Gordon Hayward na ipinahinga ang nananakit na paang nabali sa opening game noong nakaraang season.
Inumpisahan ng Mavs ang fourth quarter na abante ng lima, pinabuka sa 106-90 sa magkasunod na 3s nina Barea at Matthews na tumapos ng 15 points.
Pakitang-gilas si teenager Doncic na may 5 assists sa first quarter at walang naisablay sa tatlong tira mula labas ng arc.
Sa isang sequence, pinakagatan ni Doncic ng fake si Marcus Smart na dumiretso sa basket, pagkatapos ay pinanood niya ang lipad ni Irving nang muling pumeke bago ibinaon ang 3.