Baril, droga nakumpiska sa negosyante

Arestado ang isang negosyante matapos mahulihan ng baril at droga sa kanyang bahay sa ikinasang search warrant ng Kabacan town police, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) si King Gatus Saladaga, 29-anyos, grocery store owner, residente ng USM Avenue, Brgy. Poblacion, Kabacan.

Ayon kay Police Maj. Peter Pinalgan Jr., Kabacan town police chief, inihain ang search warrant laban kay Saladaga na inisyu ni Judge Henelinda Molina-Diaz ng Regional Trial Court (RTC) 12 matapos magpositibo sa pulisya ang iligal na gawain ng suspek matapos ang isang linggong surveillance operation.

Sa naganap na search warrant, hindi naipakita ng suspek ang permit to carry firearms sa nakumpiskang dalawang .45-caliber pistols at nakumpiska rin ang 11 sachet na naglalaman ng shabu, drug paraphernalia at P12,000 cash. (Vick Aquino)