Ni-raid ng mga pulis ang bahay ng isang electrician at nasamsam sa kanyang pag-iingat ang mga baril, bala at granada kamakalawa sa Caloocan City.
Alas-dos ng hapon nang lusubin ng mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB) ng Caloocan Police ang bahay ni Ramon Merana alyas ‘Jonjon Barok,’ 43, sa No. 27 Caimito Road, Brgy. 77 ng nasabing lungsod.
Sa pangunguna ni P/Chief Insp. Jonathan Olvena, isinilbi nito ang search warrant No. SW-099 para sa kasong Comprehensive Law of Fire Arms and Ammunition (RA 10591) na inisyu ni Hon. Remigio M. Escalada Jr., Executive Judge Regional Trial Court (RTC) Branch 123, Caloocan City.
Sa tulong ng mga barangay official at kinatawan ng media bilang witness, hinalughog ng mga awtoridad ang bahay ni Merana at natagpuan sa drawer ng nasabing electrician ang isang cal. 45 na may Serial No. 36182, isang magazine na in-assemble, cal. 38 na walang serial number, 6 bala ng cal. 38 at isang granada.