Baril na ginamit sa pagpatay kay Batocabe nakuha sa fish pond

Nakuha ng mga awtoridad ang isa pang kalibre .45 na baril na ginamit umano sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nitong si SPO2 Orlando Diaz, sa isang fishpond sa Ligao City, Albay kahapon nang tanghali.

Ayon kay Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Police, nakuha ng mga miyembro ng nag-iimbestiga sa kaso ang nasabing baril na mayroon pang 10 bala sa magazine matapos ituro ng isa sa mga suspek na si Christopher Naval alyas Tuping.

Ito umano ang ginamit ng pangunahing gunman na si henry Yuson sa pagpatay kina Batocabe at Diaz noong Disyembre 22, 2018.

Ang nakuhang baril ay nakatakda namang isailalim sa ballistic at cross matching examination.

Nauna dito, nakuha ang isa pang kalibre .45 baril at 30 bala sa poso negro sa bahay ng isa pang suspek na si Emmanuel Rosello sa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Samantala, nakulong dahil sa kasong possession of illegal firearm si Daraga Mayor Carlywn Baldo ngunit ilang oras lamang sa kulungan ay pansamantalang nakalabas at isinugod sa ospital dahil inatake umano ng sakit nitong asthma at mataas na blood pressure.