Baril na ipinutok sa bowling champ hawak na ng pulisya

Hawak na ng pulisya ang baril na ginamit sa pagpatay kay Angel Nathaniel Constantino, 52, gold meda­list noong 1992 World Youth Bowling tournament sa Caracas, Valenzuela, na binaril at napatay sa isang cafeteria noong Biyernes ng hapon sa San Juan City.

Ayon kay Sr. Supt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan PNP, nakuha nila ang kalibre .45 baril sa basement ng Bill and Bo Bistro sa tabi ng E-Lanes Bowling Center sa Greenhills.

May 3 bala na nakalagay sa magazine nito at may apat na fired catridge na siyang pinambaril sa biktima.

Sa ngayon ayon kay Reyes, tiwala ang kapulisan na malulutas na nila ang kaso dahil sa mga ebidensiya, kabilang ang CCTV footage kung paanong naisagawa ang krimen habang nagmimeryenda si Constantino bandang alas-singko nang hapon.
Dagdag pa ng opisyal na posibleng mga hired killer ang pumatay kay Constantino at ito ngayon ang sinusundan nilang lead para malutas ang kaso.

Kinumpirma rin ni Reyes na may maganda na silang lead na tinututukan at kumpiyansa siyang magreresulta ito sa agarang pagkaresolba ng krimen.

Gayunman, tumanggi muna si Reyes na magbigay ng iba pang impormasyon upang hindi masunog ang follow-up operation.