BARKADA NI CARL NAPATAY DIN?

Hindi nag-iisa ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz nang umalis sa kanilang bahay para bumili ng makakain noong gabi ng Agosto 17 sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Sa kuwento ng mga magulang ni Carl na sina Carlito at Eva, nagpaalam ang binatilyo na lumabas ng bahay kasama ang kaibigang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman.

Mula noong gabing umalis ay hindi na nakita­ ang dalawang binatilyo hanggang sa matagpuan ang bangkay ni Carl sa isang morgue sa Caloocan City nitong Agosto 28.

Natagpuan na ang bangkay ni Arnaiz pero ang kasama nitong umalis ng bahay noong Agosto 17 na si De Guzman ay hindi pa rin malaman ang kinaroroonan.

Kinumpirma ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang pagkawala ng huling nakasama ni Carl na si ­Reynaldo.

Kaya maliban sa pagtutok sa kaso ni Carl ay puspusan rin ang pagtulong ng PAO para malaman ang kinaroroonan ng 14-anyos na kaibigan ng napatay.

“Hinahanap din ho namin. Nawawala pa rin ho hanggang ngayon, mula­ pa noong a disi-otso,”­ ­pahayag ni Acosta sa kaso ng nawawala pa ring si De Guzman.

Dahil hindi pa rin makita, nangangamba ang mga kaanak ng binatilyo na may masama na ring nangyari kay De Guzman.

Samantala, palaisipan sa PAO na nakatuklas ng pagpapahirap na inabot ni Carl kung bakit nakara­ting ang bangkay ng binatilyo sa Caloocan City.

“Nagtataka kami. Ito taga-Cainta. Bakit ‘yong bangkay n’ya nakuha doon Caloocan, sa may C-3, sa madilim na bahagi po ng daan,” ani Acosta.

Labis naman ang panghihinayang at paghihinagpis ng mga magulang ni Arnaiz sa sinapit nitong kamatayan.

Giit ng mga magulang ni Carl, hindi umano hol­daper ang kanilang anak.

Inilarawan pa ng mga magulang ni Carl ang binatilyo na mabait at matalino na nagtapos na valedictorian sa elementarya kaya’t nakapasok at nakapagtapos din umano ito sa isang Science high school at nakapasok pa sa kolehiyo sa UP Diliman.

Nauna nang iniulat ang pagkakapatay kay Carl sa isa umanong engkuwentro sa pagitan ng mga pulis-Caloocan sa lungsod matapos umano itong mangholdap sa isang taxi driver.

Pero sa lumabas sa autopsy report mula sa PAO na may marka ng handcuff marks ang binatilyo, namamaga ang mga mata ng binatilyo at nakitaan ng indikasyon na nakaluhod ito nang pagbabarilin ng ilang ulit sa kanyang dibdib.