Baron, Dy nanalasa; La Salle sa semis na

STANDINGS
TEAMS W L
x-DLSU 9 2
ADMU 7 3
FEU 7 4
NU 6 4
FEU 6 4
ADU 5 5
UST 3 7
UP 3 8
y-UE 2 9

X — Semifinalist
Y — Eliminated

Mga laro ngayon:
(The Arena-San Juan City)
2:00 p.m. – UST vs NU
4:00 p.m. – ADMU vs ADU

Nagbaon ng 13 points si reigning MVP Mary Joy Baron, habang nagtanim si Kim Kianna Dy ng 11 upang muling panain ng defending two-time champion De La Salle University ang University of the East, 25-8, 25-14, 25-12, kagabi sa 80th UAAP 2017-2018 women’s indoor volleyball tournament second round eliminations sa The Arena-San Juan City.

Ang panlimang dikit na ragasa ng Taft-based volleybelles ang nagpalayo sa pag-iisa nila sa tuktok sa kartadang 9-2 win-loss para makasampa na rin sa Final Four.

Pangsiyam na diretso ng palaot ito ng mga Lasa­lista sa semifinals at ika-10 sunod na postseason kabilang ang pagkakatudla sa automatic championship noong 2013-2014 season.

Bakasan pa sina Desiree Wynea Cheng Cheng, Ernestine Tiamzon at Aduke Christine Ogunsanya ng nine, seven at six pts. para pagbakasyunin na rin ang nasa ilalim na UE Lady Warriors sa paggulong ng baraha nito sa 2-9.

“Sa ngayon hindi ko pa iniisip ang Final Four basta ang iniisip ko ’pag may dumating na kalaban paghandaan,” komento ni La Salle at 10-time UAAP champion coach Ramil de Jesus.

“Bumawi doon sa mga bumawi sa amin noong first round so ’yun muna ang goal namin and then kung kakayaning ma-sweep ang second round sama ’yun sa mga goal namin,” panapos niya.

Walang mga balisbolistang taga-Recto ang umabot sa dobleng pigurang iskor sa buong pu­wersang kayod ng karibal sa isang oras at siyam na minutong hampasan.