Dinakip ng Angeles City police ang aktor na si Baron Geisler makaraang rumesbak at mag-amok sa harap ng bahay ng kanyang bayaw na gumulpi sa kanya kamakailan.

Armado ng patalim ang aktor at nagbantang papatayin ang negosyanteng bayaw na si Michael Robin Stone Morales sa Barangay Pulung Maragul, Angeles City, Pampanga noong Lunes ng hapon.

Base sa report ni P/Chief Supt. Amador V. Corpus, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), dinakip ang aktor na Baron Frederick Von Geisler at pansamantalang nasa kustodiya ng Angeles City Police Station 3 dahil sa mga kasong kriminal na kanyang kinakaharap matapos magwala habang hawak ang isang kitchen knife.

Hindi binanggit ang eksaktong oras ngunit Lunes ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang city police dahil nagwawala at nag-amok ang aktor na si Geisler sa harap ng bahay ng kanyang bayaw.

Maayos namang sumama sa nagrespondeng awtoridad ang aktor ngunit nahaharap ito sa mga kasong grave threats, alarm and scandal at illegal possession of deadly weapon.