Binigwasan ni Alaska Aces team owner Wilfred Uytengsu ang desisyon ng Office of the PBA Commissioner nang hindi suspendehin ang Magnolia guard na si Mark Barroca sa isinagawa nitong pagbigay ng closed fist na birada sa maselang bahagi ni Chris Banchero.
Mariing ipinahayag ni Uytengsu ang kanyang pagkadismaya sa ulat ng Spin.ph na desisyon ng liga ay hindi naaayon sa naging kaganapan o “the logic behind the reprieve was flawed.”
Una nang pinatawan ni PBA Commissioner Willie Marcial noong Huwebes ng multa si Barroca ng P50,000 dahil sa pagsuntok kay Banchero sa huling tatlong minuto ng Game 4 ng PBA Governors’ Cup Finals pero hindi nito binigyan ng suspensyon sa dahilang walang itinawag na foul ang mga referee.
“Of course we are disappointed with the commissioner’s decision not to suspend Barroca for his closed-fist strike to Banchero’s groin but it is the excuse that there was a ‘non-call’ that led to his decision,” sabi ni Uytengsu, na dating naging PBA chairman. “Such a technicality lacks merit,” dagdag nito.
Una nang inayawan ni Uytengsu ang pagkakaluklok kay Marcial sa pinakamataas na puwesto sa liga matapos nitong ikritisa ang desisyon ng PBA Board.