Barroca, Magnolia pasikat sa Zamboanga

Ni: Lito Oredo

Kinulekta ng Magnolia Hotshots ang ikalimang sunod nitong pagwawagi Sabado nang gabi matapos itulak sa bingit ng pagkakapatalsik ang Meralco Bolts 99-88 sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa MVA City Coliseum sa Zamboanga City.

Pinamunuan ni Mark Andy Barroca, na mismong tubong Zamboanga City, ang Hotshots sa itinala nitong 21 puntos, anim na assists at isang steal sa pagbabalik ng liga sa lungsod matapos ang mahabang panahon.

Si Barroca din ang tinanghal na Best Player of the Game sa lugar na una nitong pinaglaruan at natuto sa larong basketball.

Nag-ambag ang import na si James Farr ng 19 puntos, 17 rebounds, dalawang assist, isang steal at tatlong blocks.

Nagtala din si Paul Lee ng 18 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists habang may 11 puntos si Sangalang.

Bahagyang kinabahan ang kampo ng Hotshots matapos na magtamo ng sprain si Paul Lee sa ika-10:21 minuto ng ikaapat na yugto nang umatake para sa isang layup at hindi naging maganda ang pagbagsak.