Maglalabas ng mga bagong barya ngayong Disyembre ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Hagip dito ang limang pisong barya at bente pesos na papel. Matagal na kasing inirereklamo ng mga tao ang New Generation Currency Coin Series lalo na ang limang piso dahil madalas itong mapagkamalang pisong luma. Hindi lang ang mga driver ng jeep ang nagkakamali sa pagtingin kundi mismong mga pasahero.
Noon pa man, marami na ang pumuna kabilang na ang ilang senador sa bagong mukha ng limang piso. Nakakalito raw ito pero hindi nagpapigil ang BSP.
Makalipas ang ilang taon, ngayon lang nila napagtanto ang palpak na disenyo ng limang pisong barya.
Hinggil naman sa 20 pisong barya, ang paliwanag ng BSP ay ito rin ang pinakalaspag na papel na pera at mabilis itong maluma kaya’t madalas palitan ng bago. Ginagamit din daw ng masasamang loob ang 20 pisong papel para gumawa ng pekeng pera na mas mahal ang halaga tulad ng P500 at P1,000.
Ang ginagawa raw ng mga namemeke ng pera, bini-bleach ang bente pesos at pinapatungan ng ibang halaga. Hindi naman daw nawawala ang security features tulad ng security thread.
Nataon ang paglalabas ng mga bagong barya sa buwan ng Disyembre kung saan marami ang nagpapapalit ng malulutong na perang papel bilang pamasko. ‘Yung mga mayayaman, mga crispy P500 at P1,000 ang kanilang pinapapalit sa bangko. Ang mga nasa middle income, bagong P100 bill ang pinapapalit sa bangko. At ‘yung mga nasa laylayan ng lipunan, P20 at P50 lang ang kayang ipapalit sa bangko. Pero aminin natin na kahit yung mga maykaya sa buhay, nagpapapalit din ng mga crispy P20 at P50 bill.
Paano na lang kung pagdating nang panahon ay puro baryang bente na lang ang nasa sirkulasyon at wala nang bagong perang papel ni Manuel L. Quezon?
Alangan namang ilagay pa rin sa sobre ang baryang bente pesos. Siyempre P50 na papel na ang ilalagay ng marami. Ibig sabihin nagmahal na rin pati na ang pamasko.
Dati kasi, may piso, dalawang piso, limang piso at sampung pisong papel.
Nawala na silang lahat at susunod pa sa kanila ang dalawampung piso. Yun ngang diyes sentimos at singkuwenta sentimos, halos tinatapon na lang ng marami nating kababayan. ‘Pag nagbayad ka kasi ng pamasaheng P9 na tig-50 sentimos, baka magalit pa sayo ang driver. Pero obligado siyang tanggapin ito dahil sa legal tender ito.
Pero kahit na sabihing barya na lang ang bente pesos, ang mahalaga ay makapagbigay ka sa tao. Iyan ang diwa ng Pasko kahit sa panahong barya na lang ang bente pesos.