Basketbolista bumagsak ang katawan sa casino

Totoong-totoo na ang droga ay parang sugal na walang naidudulot na positibo sa mga nalululong. Wakwakan ng bulsa ang katapat nu’n. Kapag wala nang maipagtutustos sa bisyo ay nangungutang na hanggang sa mauwi na ‘yun sa pangloloko at pagnanakaw.

Pinagkukuwentuhan ngayon sa apat na sulok ng mundo ng sports ang isang atletang may ibinubuga sa hardcourt. Napakagaling niyang maglaro, inaasahan siya ng kanyang team, pero nagkabisyo ang player.

Nitong mga huling buwan ay madalas siyang makita sa casino kasama ang kanyang girlfriend na kilalang-kilala rin dahil sa mundong kinabibilangan nito. Bawal na bawal sa mga players ang pagpupuyat pero hindi nakatanggi sa imbitasyon ng bisyo ang basketbolista.

Kuwento ng aming source, “Kinapos siya ng disiplina. Kung ano ang bawal na bawal sa tulad niya, ‘yun pa ang napasukan niya. Energy ang kailangan ng mga players­, stamina, pero ano ang nangyayari ngayon sa kanya?

“Ang galing-galing pa naman niya, pambato pa naman siya sa three points, pero big­lang bumagsak na ang katawan niya. Ano ang napala niya sa kapupunta niya sa casino na kasama ang girlfriend niya?

“Ayun, nagkasakit siya, bagsak na bagsak ang katawan niya sa kapupuyat, ano pa ang magiging pakinabang sa kanya ng team kung nagbibisyo siya?” napapailing na kuwento ng aming source.

Bukod sa kanyang mataas na suweldo ay kumalat din ang balita na panay-panay ang pag-a-advance niya sa management ng kanyang team. Huli na nang malaman ng kanyang mga kasamahan na pangalawang tahanan na pala niya ang casino.

Ang dami-daming nagpapakamatay para lang makapaglaro nang propesyonal, pero meron namang mga basketbolistang pinapalakpa­kan na, pero sinasayang pa ang napakagandang oportunidad na hawak-hawak na nila.

Ang kawalan talaga ng pagpapahalaga at disiplina. Mayayari talaga sila.
***
Jolo nagpapalit ng bedsheet ni Bong

Siguro naman, pagkatapos nang ilang linggo, ay papunta na si Vice-Governor Jolo Revilla sa paghakbang nang pasulong mula sa paghihiwalay nila ni Jodi Sta. Maria.

Kauna-unawa ang mga unang araw, may kakambal talagang lungkot at panghihinayang ang hiwalayan, pero hindi naman maganda na sa kalungkutan maglulubalob ang aktor-pulitiko.

Masakit, pero hindi lang naman si Jodi ang mundo ni VG Jolo, nand’yan ang kanyang pa­milya, nand’yan din ang kanyang mga nasasakupan bilang ikalawang ama ng kanilang probinsiya, kaila­ngang harapin na niya ang katotohanan na marami pang naghihintay sa kanyang pagmamahal.

Kung talaga namang sila pa rin, tulad ng mga nangyayari nu’ng mga nakaraan nilang hiwalayan, ay hahanapin pa rin nila ang isa’t isa. Pero kung hindi ay kailangang bukas ang isip at kalooban ni VG Jolo na hanggang d’yan na lang sila.

Regular naming napapanood ang aktor-pulitiko sa Ang Probinsiyano bilang close-in security ng pangulo. Bihira lang siyang magsalita, pero ang kanyang tinding ay matikas, bagay na bagay sa kanya ang papel na ipinagkatiwala sa kanya.

Sa ganitong pagkakataon ay napakahalaga ng suporta ng kanilang pamilya. Kahit pa may sariling giyerang hinaharap ang kanyang ama ay nand’yan ang kanyang ina at mga kapatid na todo ang pagmamahal na ibinibigay sa kanya.

Ang pagiging solido ng pamilya Revilla ang pinakamalakas nilang armas sa anumang paghamon, buung-buo sila, wala sa kanilang diksiyunaryo ang iwanan.

Si Vice-Governor Jolo kapag dumadalaw sa kanyang ama sa PNP Custodial Center ay nakikita naming naglilinis, siya pa ang nagpapalit ng bedsheet ng kanyang ama, habang ang iba naman niyang mga kapatid ay may kani-kanyang toka habang nandu’n.

Basta buo ang pamilya ay kakayanin ang lahat. Panahon na para umahon mula sa kalungkutan si VG Jolo.