Ikinatuwa ng mga pet owner ang pagpapahintulot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makasama at maisakay sa loob ng mga public utility vehicle (PUV) ang mga alagang hayop gaya ng aso at pusa basta nasa tamang kulungan at babayaran ng pamasahe.

Inihayag naman ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong na isang ‘welcome development’ para sa kanilang mga animal lover ang naging desisyon ng LTFRB dahil makakasama na nila sa sa loob ng mga PUV ang mga alagang hayop.
Handa naman umano ang kongresista na makikipagtulungan sa LTFRB na i-monitor ang mga alintuntunin ukol dito na inilabas ng regulatory board at titiyakin na ito ay masusunod.

Una rito ay nag-viral sa social media ang isang aso na nakasakay sa compartment ng isang provincial bus na patungong Bicol na umani naman ng samu’t saring galit na komento mula sa mga netizen dahil sa labis na pagkahabag sa aso.

Ayon sa Memorandum Circular No. 2019-019, puwede nang isakay ang mga alagang hayop sa PUV basta ang mga ito ay nasa kulungan at nakasuot ng animal diaper para hindi makaperwisyo sa ibang pasahero. (Dolly Cabreza)