Baste, TIP unahan sa quarters

Mga laro ngayon (PhilSports, Pasig)
4:00 p.m. — TIP vs. San Sebastian
6:00 p.m. — Ateneo vs. Perpetual

Pag-aagawan ng San Sebastian at TIP ang first quarterfinal berth, papaypayan naman ng Ateneo at Perpetual ang mga sumi­singhap nang kampanya sa pares ng matches sa Group A ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig mamaya.

Parehong 2-1 ang Lady Stags at Lady Engineers, nasa likod ng unbeaten sa two games na NU. Makakasiguro ang mananalo ng silya sa quarters ng midseason conference ng liga na inisponsoran ng Shakey’s.

Sa Group B, swak na sa susunod na round ang UP (3-0), FEU (2-0) at UST (2-1). Popormalisahin ng Lady Bulldogs ang biyahe sa quarters kapag nalaktawan alinman sa Lady Altas o Lady Eagles.

Muling sasandal ang Lady Stags kina power-hitting Grethcel Soltones, setter Denice Lim at middle blockers Katherine Villegas at Joyce Sta. Rita.

Umaariba ang Lady Engineers sa likod ni guest player Mylene Paat, suportado nina Gayle Layug, Eunice Mabayao, Eden Maturan at guest setter Relea Saet.

Babasagin ng Ateneo at Perpetual ang pagkakabuhol sa 0-2, papaypayan ng winner ang tsansa sa quarters ng torneo na binak-apan ng Mikasa at Accel.