Swak sa kulungan ang isang lalaking binasted ng kanyang nililigawan dahil sa tangkang pagpatay sa ina ng bumasted sa kanya sa Navotas City kamakala­wa ng hapon.

Sa ulat nina PO3 Allan Joey Ogatia III at PO1 Ferdinand Martinez ng Navotas City Police, alas-4:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Cruz Street, Barangay Tangos ng nasa­bing lungsod.

Naghuhuramentado umano sa kanilang lugar ang suspek na si Virgilio Tan, 56- anyos at naghahamon ng suntukan habang armado ng patalim at sinugod ang bahay ng inang si Maria Concepcion Atienza, 42-anyos na nanay ng kanyang nililigawang binasted siya.

Habang nagwawala umano ito ay sinisigawan at hinahanap nito si Atienza habang sinasabing “bakit hindi niyo ko matanggap, tao din naman ako, kung hindi mapapasa-akin ang anak mo, papatayin ko kayo!”

Nasa kapitbahay naman umano noon ang biktima at hindi na lamang pinapansin ang suspek ngunit hindi huminto ang suspek at pinatutulak pa ang mga motorsiklong nakaparada sa harapan ng bahay ng biktima dahilan upang lapitan na siya ng ginang.

Walang ano-anong big­la umanong inundayan ng saksak ng suspek ang biktima na mabuti na lamang at hindi tinamaan at sa halip ay isa sa mga motorsiklo ang nadale nito.

Doon na nagtatakbo ang biktima at agad na humingi ng saklolo sa kanilang barangay.

Mabilis namang nakaresponde ang mga barangay tanod na sina Ro­naldo Dela Cruz at Brigido Llacer na agad ding naaresto ang suspek.

Kalaunan ay idiniretso na rin sa himpilan ng pulisya ang suspek na sa ngayon ay nasa kustodiya ng Navotas City detention cell at nahaharap sa patung-patong na kaso ng alarm and scandal at malicious mischief.