Bastos na Uber driver, tinuluyan sa korte

Tinuluyan ng Quezon City Prosecutors Office ang Uber driver na nangmanyak at nangmolestiya sa isang kolehiyala.

Inireklamo ng babaeng anak ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Assistant Secretary Rommel Abesamis  ng ‘verbal harassment’ o mahalay na pagtatanong ang Uber driver na si Juanito de Andres.

Kasong sexual harassment o paglabag sa Section 8 ng Quezon City Ordinance 2501(Gender Development Code) ang isinampa ni Assistant City Prosecutor Rosanna Morales-Montojo sa korte laban sa driver Uber.

Tinanggalan ng lisensya ang driver matapos itong kasuhan ni Abesamis sa pamamagitan ng abogado nito na si Atty. Ariel Inton noong Nobyembre 2016 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa salaysay ng babaeng biktima, saumakay siya ng silver Mitsubishi Mirage ng suspek ala-una ng madaling araw noong November 2016. Kinakausap umano ng driver ang pasaherong biktima at pilit niyayang mag-date at sinabihan na sayang lang ang ganda nito kung hindi magkakaroon ng maraming anak.

Bukod sa driver, hiniling din ni Abesamis sa LTFRB na kanselahin ang prangkisa ng Uber na minamaneho ng suspek na si Juanito de Andres.