Mukhang hindi bibitawan ni senatorial candidate Neri Colmenares ang laban kontra Social Security System Rationalization Act na pirmado na.

Nakasaad kasi sa batas na pinapayagan ang SSS na magtaas nang 12% sa sinisingil nitong SSS premium o monthly contribution ng lahat ng SSS members at 15% hike pa pagsapit ng 2025.

Ang lalong pinanggigigilan ni Colmenares ay ang pagsangkalan sa P1,000 pension hike ng mga miyembro na tumuntong na sa 60-anyos.

Mali daw ‘yun dahil ang totoo, hindi kapos at lalong hindi matutuyo ang pondo ng SSS kung ginagawa ng SSS executives ang kanilang trabaho.

Ang tinutukoy ni Colmenares ay ang pagpapabuti ng koleksyon, lalo na ang paghahabol sa mga delingkuwenteng kompanya at mga nag-loan na miyembro.

Sa 2017 data daw kasi ng Commission on Audit (COA), lumalabas na aabot sa P13 bilyon ang “uncollected premiums & penalties” mula sa may 122,658 delinquent companies.

Napakalaking pera nga naman nito! Kung magsisipag nga lang talaga ang SSS sa paghabol sa mga collectibles na ito ay masosolb ang epekto ng pension hike sa life span ng SSS fund nang hindi kinakailangan ang dagdag pahirap na lahat ng aktibong SSS members – employed man ng pribadong kompanya, self-employed o voluntary.

Ang problema kasi sa SSS, daig pa ang pako. Hindi babaon kunh hindi mamartilyuhin.

Kumikilos lang at naghahabol ng pasaway na employer kapag may nagreklamong empleyado.

Maling-mali! Kusa dapat nila itong ginagawa dahil parte ito ng trabaho nila!