Binalaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) laban sa ‘bata-bata system’ sa mga bagong recruit na pulis at tiniyak na paparusahan ang sinumang mapapatunayang lalabag dito.
Ayon kay Año, ang nais niya ay may mga katangiang ‘mahusay at may puso sa paglilingkod’ ang mare-recruit na 17,000 bagong police officer ngayong taon.
“Huwag ninyong pansinin kung may backer man na mataas na opisyal o kaya bata-bata ng mga nakatataas. Kahit sino pa ang kamag-anak o kakilala ng magpupulis, kung hindi naman siya qualified, hindi siya dapat maging pulis,” ani Año.
Dapat rin aniyang maging transparent ang proseso ng recruitment mula sa unang araw pa lamang upang maiwasan ang anumang iregularidad at dapat na tiyakin ng PNP na magpapatupad sila ng mahigpit na hiring process upang masigurong hindi lamang ‘mentally and physically fit’ ang mga aplikante na makakapasok sa PNP.
“The days of ‘mahina utak nito, magpulis ka na lang’ is over. We want the best in our law enforcement agencies,” giit ng kalihim.
Ipinahayag pa ni Año na ayaw niya ng mga ‘second-rate police officer’ lalo pa ngayong dinoble na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suweldo ng mga pulis kaya dapat lamang makapag-recruit ng mahuhusay at maglilingkod ng tapat sa bayan. (Dolly Cabreza)