Malagim ang naging kamatayan ng isang 3-anyos na lalaki nang pagtatagain ito ng babaeng kapitbahay na umano’y may diperensya sa pag-iisip nitong Sabado ng hapon sa bayan ng President Roxas, North Cotabato.

Nakuha pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara ring dead on arrival ang biktimang si Arjay Nawa Bilan, residente ng Purok 7, Barangay Kamarahan ng nabanggit na bayan.

Naaresto naman ang suspek na si Arlene Justo Jabito, 37, kapitbahay ng biktima na ngayon ay kasalukuyang nasa custodial facility ng President Roxas Municipal Police Station (MPS).

Sa naantalang ulat ni Police Major Rolly Oranza, hepe ng President Roxas MPS, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon nitong Sabado.

Naglalaro ang biktima sa harapan ng kanilang bahay nang lapitan ito ng suspek na armado ng itak at pagtatagain ang walang kalaban-laban na bata.

Ang pangyayari ay nakita naman ni Seperiano Justo, kapatid na suspek na agad humangos upang pigilin ang kapatid sa pananaga sa bata at agad humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Nakuha pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit dead on arrival na dahil sa dami ng tinamong sugat sa katawan mula sa pananaga ng suspek.

Ayon pa kay Oranza, parehong nagtatrabaho sa Davao City ang magulang ng biktima at ang kanyang lola lamang ang nagbabantay dito. (Edwin Balasa)