Isang mambabatas na kaalyado ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)
Dahil dito, nadagdagdagan ang bilang ng mga opisyal at empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na tinamaan ng virus.
“It is with a heavy heart that I share to all of you that I tested positive for coronavirus,” ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap sa isang pahayag nitong Miyerkoles.
Bago ang pag-amin na positibo siya sa COVID-19 ay dumalo pa si Yap sa special session ng Kongreso noong Lunes at kabilang sa mga dumepensa sa panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairperson ng House committee on appropriations.
“Nagpa-test ako noong March 15 at ngayong araw, 10 days after, nakatanggap tayo ng tawag mula sa DOH [Department of Health] upang iparating sa akin ang resulta. Inis at galit ang naramdaman ko dahil alam ko sa sarili ko na maaaring nailagay ko sa alanganin ang buhay ng mga taong nakapaligid sa akin,” ayon kay Yap.
“Last Monday, March 23, I attended the Special Session of the House of Representatives and sponsored House Bill 6616. Earlier that day, bago magtungo ng Kongreso, nagtanong ako kung may resulta na ang aking test, pero wala pa rin daw. That was 8 days after my test,” sabi pa nito.
Kaugnay nito, humingi rin ng patawad at pang-unawa ang kongresista sa mga taong nakasalamuha niya,
“Humihingi ako ng patawad at pag-unawa mula sa mga taong nakasalamuha ko. I was paranoid dahil may kaunting ubo akong naramdaman but I felt it was normal for me. Mas nag-ingat tayo dahil wala pang resulta ang test ko. Those who know me personally know that I practice good personal hygiene. But it didn’t spare me from this virus,” sabi pa ni Yap.
Inamin din ni Yao na dumalo rin siya sa pagpupulong ng mga lider ng Kongreso at executive branch na ginanap sa Malacanang noong Marso 21 kung saan pinag-usapan ang mga probisyon ng panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte.
“I attended the meeting and was careful the whole time knowing na I could potentially be a carrier of the virus,” dagdag pa nito.
Humingi rin ng paumanhin si Yap dahil nailagay niya bigla sa panganib ang publiko matapos magpasya na ipagpatuloy ang kanyang mga daily routines. (JC Cahinhinan)